Asian Human Rights Commission - Philippines - [Filipino Website] [ Tagalog | English ]
| Home (Tagalog) | news | AHRC Website
Search this section:
Printer Friendly Version
Imbestigasyon sa posibleng kinalaman ng sundalo't pulis sa pagpaslang ng mga aktibista hiniling

Imbestigasyon sa posibleng kinalaman ng sundalo't pulis sa pagpaslang ng mga aktibista hiniling

(Hong Kong, Abril 18, 2005) Hiniling ng Asian Human Rights Commission (AHRC) ang gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ni Pangulong Gloria Arroyo na imbistigahan ang napabalitang posibleng kinalaman ang mga sundalo't pulis sa pagpatay ng mga aktibista sa bansa.

Ayon sa AHRC, nararapat lamang na parehas ang trato ng gobyerno sa paghawak ng imbistigasyon nito sa mga kasong pagpatay, lalo na sa usapin ng pulitika na may kinalaman sa grupong kinaaniban ng mga biktima.

"Hindi lang dapat pagbibigay utos para habulin ang mga kriminal, kundi imbistigahan din ang posibleng kinalaman nila sa pagpatay ng mga aktibista na di umano sa pamamagitan ng pakikipag-alyado sa mga pulis at militar," ayon sa pahayag ng AHRC.

Dapat siguruhin ng gobyerno na wala ng mga katulad na pagpatay ang mangyayari, dagdag ng grupo.

Tinatayang labin walong aktibista na ang napatay simula buwan ng Enero nitong taon.

Habang sinasabi ng militar na ang mga napatay ay taga-suporta ng komunistang grupo at napatay ng di umano'y rebelde, napapabalita naman na ang mga kriminal ay may kaalyado sa mga sundalo't pulis.

Binanggit ng AHRC ang kaso ni Fr. William Tadena na napatay nitong Marso.

Sa kabila ng pahayag ni Northern Luzon Command Chief Lt. Romeo Dominguez kamakailan na komunistang rebelde ang may kinalaman sa pagpatay kay Fr. Tadena, napapabalita naman na si Tadena, isang taga-suporta ng trabahador sa Hacienda Luisita, ay napatay ng hindi rebelde.

Marami pang dapat gawin ang gobyerno para mapatunayan nito sa mga kamag-anak ng biktima pati na sa publiko na makakamit nga nila ang totoong hustisya, ayon sa AHRC.

Dati nang may mantsa ang hanay ng militar at pulisya sa di ka-nais nais na gawain nito sa illegal na pagkulong, tortyur, biglaang pagkawala ng mga aktibista at pagpatay sa kalaban ng gobyerno - halos lahat ay sinasabing kampanya ng gobyerno laban sa rebelde na siyang nag-ugat noong dekada 70's, ayon sa AHRC.

Habang may kahinaan ang aksiyon ng gobyerno sa pagpatay ng aktibista, meron namang namumuong pangamba tungkol sa di patas na pag-trato ng gobyerno sa mga kasong pagpatay, isa na dito ang agarang aksiyon ng gobyerno sa kasong pagpatay sa kongresistang si Henry Lanot.

Matapos ang pagpatay kay Lanot, binuo kaagad ng gobyerno ang isang task force na binubuo ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno para imbistigahan ang kaso nito, pinag-utos din ng Pangulo sa paghabol sa bayarang kriminal at patuloy na paglaganap ng hindi lisensiyadong baril.

"Ang madaliang aksiyon ang gobyerno sa kaso ni Lanot, na hindi naman nangyayari sa pagpatay ng aktibista, ay hayagang nagsasabi na hindi pantay ang pagpapatupad ng batas sa Pilipinas," ayon sa AHRC.

"Habang pinag-ibayo ang paghabol sa pumatay ng mga kilalang tao, hindi naman ganito ang sitwasyon sa mga kaso ng ordinaryong taong napatay," ayon sa grupo.

Hiniling ng AHRC ang gobyerno na ipabilang ang kasong pagpatay ng mga aktibista sa panibagong kampanya nito sa paghahabold sa mga bayarang kriminal.

Hiniling din ang ahensiya ng Ombudsman for Military at ang National Police Commission para imbistigahan ang napabalitang kinalaman ng pulis at militar sa pagpatay ng aktibista, at panagutin ang opisyal nito kung mapatunayang may kapabayaan na maiwasan ang pagpatay or ma-aresto at makasuhan ang mga suspetsado, ayon sa grupo.

Hiniling din nito ang liderato ng Sandahang Lakas ng Pilipinas na bawiin ang pahayag nito na nagsasabing ang mga biktima, grupong nagtataguyod sa karapatang pantao at iba pa organisasyon kabilang sa taga-suporta ng komunista, at iwasan na rin ang pagbibigay ng naturang pahayag.

"Ang naturang alegasyon ay nakakasira sa daloy ng imbistigasyon. Para itong pagbibigay basbas sa patuloy na pagpapatay na walang kaparusahan, at kawalang hustisya sa biktima at kamag-anak nito. Hindi dapat na magpatuloy ganitong sitwasyon," ayon sa AHRC.

Tungkol sa AHRC: Ang Asian Human Rights Commission (AHRC) ay isang organisasyon na tumitingin at siyang nagsasagawa ng apila sa usapin ng karapatang pantao sa rehiyon ng Asya. Ito ay naka-base sa Hong Kong at naitatag noon taong 1984. Ang yumaong senador na si Jose 'Pepe' Diokno ay kabilang sa nagtatag nito.

Posted on 2005-04-18



remarks:6
Asian Human Rights Commission
For any suggestions, please email to support@ahrchk.net.

1 users online
7989 visits
15795 hits